Nanawagan si DSWD Sec. Erwin Tulfo sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries na nakatanggap ng educational assistance nitong nakalipas na Sabado na kailangan ibalik ito o i-refund.
Aminado ang DSWD na nagkamali sila sa naturang pamamahagi kung saan may ilang opisina nila ang nakaranas ng kaguluhan at stampede dahil sa hindi inaasahang pagbuhos ng mga estudyante at magulang na nais na mabiyayaan sa programa sa educational assistance.
Isa umano sa naiisip ng DSWD ay bawasan ang tinatanggap na suporta para sa mga 4ps na nabigyan ng educational assistance pero hindi naman daw biglaan ang deduction.
Una nang nilinaw ng DSWD na hindi na qualified ang mga 4Ps benificiaries sa educational aid dahil tumatanggap na sila ng ayuda na para rin pangsuporta sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Samantala, kinumpirma naman ni Sec. Tulfo na umaabot sa 53,000 individuals sa buong bansa ang nabiyayaan nitong nakalipas na weekend na umabot sa kabuuang P154 million ang naipamudmud.
Upang maiwasan na aniya ang kaguluhan sa mga payout venues sa mga susunod na Sabado, ang mga local government units na ang tutukoy ng mga lugar para sa pamamahagi ng ayuda.
Gayundin gagamitin ang alphabetical list para sa mga payouts.
Samantala bilang reaksiyon naman sa banta ni Iloilo Mayor Jerry Treñas na ideklarang persona non grata ang DSWD regional director dahil sa kawalan ng koordinasyon noong Sabado, ayon kay Tulfo siya na lamang ang ideklara dahil wala namang kasalanan ang kanyang staff na sumusunod lamang sa utos mula sa nakakataas.