-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tanging mga local government units (LGUs) na tapos na sa pamamahagi ng cash aid ng social amelioration program lamang ang makatatanggap na ng budget para sa ikalawang bugso ng ayuda.

Ayon kay DSWD Sec. Rolando Bautista, magiging sagabal umano sa proseso ng pagkuha ng pondo para sa second trance ang pagkaantala sa distribusyon ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sa datos ng kagawaran, nasa 72.3% o mahigit 13-milyon mula sa 18-milyong benepisyaryo na ang nahandugan ng cash subsidy.

Sakali namang mabigo ang mga LGUs na makumpleto ang pamamahagi ng unang tranche ng cash assistance bago ang deadline bukas, maaari naman daw maghain ang mga ito ng formal request kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año para sa karagdagang extension.

Aminado rin ang kalihim na nakararanas ng problema sa distribusyon ng ayuda ang ilang mga LGUs na itinuturing na high-risk areas para sa COVID-19 dahil sa pagtalima nila sa health protocols gaya ng physical distancing.

Maliban dito, naaantala rin ang pamimigay ng tulong ng mga LGUs dahil sa security concerns sa ilang lugar.

Bago naman mapaso ang ibinigay na 7-day extension sa SAP distribution bukas, inamin ni Año na sa Metro Manila pinakanararanasan ang mga problema sa pamimigay ng ayuda dahil sa kapal ng populasyon.

“Among other LGUs, NCR lang talaga ‘yung malaking problema kasi kanila ‘yung pinakamaraming families, beneficiaries. In other LGUs, okay naman,” wika ni Año.

“Sa Metro Manila, we still have a lot of areas here na mahirap ibigay without actually sacrificing the physical distancing,” dagdag nito.