-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginagawa nila ang lahat upang maisakatuparan ang kanilang mga programa para sa mga nangangailangang pamilya.

Tugon ito ng DSWD matapos maghain ng resolusyon ang mga senador na naghihimok sa kagawaran na bilisan ang paglalabas ng P83-bilyong hindi pa nagagamit na pondo.

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, iginagalang nila ang resolusyon ng mga senador.

“As we have earlier communicated, the DSWD is exerting all its efforts to implement the various programs to support the recovery also of our low-income families most-affected by the COVID-19 pandemic and typhoons,” wika ni Dumlao sa isang panayam.

Inamin din ni Dumlao na nasa P83-bilyong under programmed funds ang hindi pa naipapamigay sa mga benepisyaryo at serbisyo.

Paglalahad ng opisyal, P75 billion sa nasabing halaga ay nakalaan para sa mga cash grants tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Maliban dito, saklaw din sa pondo ang mga livelihood programs, social pension para sa mga indigent senior citizens, at supplementary feeding programs.

Nitong Lunes nang pinagtibay ng Senado ang Resolution No. 574 na naghihimok sa DSWD na bilisan ang paglalabas ng P83-bilyong halaga ng pondo na hindi pa nagagamit kahit apektado ang libu-libong mga Pilipino sa pandemya at sa serye ng mga bagyo.