TUGUEGARAO CITY – Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista ang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng bagyong Ramon at Quiel sa Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD RO2 na binisita ng kalihim ang mga evacuees sa bayan ng Abulug, Allacapan at Pamplona na biktima ng bagyong Ramon at ng nakaraang bagyong Quiel.
Sa kabuuan, naipamahagi na ang P720,000 na halaga ng family food packs at P697,831 na halaga ng non – food items sa mga evacuation centers sa buong rehiyon dos.
Sinabi ni Trinidad na apektado ng bagyo ang halos 3,000 pamilya o mahigit 10,000 residente sa Cagayan at Isabela.
Pinakamarami sa bilang ng mga evacuees ay mula sa Northern part ng Cagayan na nasa halos 7,000.
Sa naturang bilang mahigit 6,000 residente ang nananatili sa 120 evacuation centers sa 18 munisipiyo sa probinsiya.
Tiniyak naman ni Trinidad na tuluy-tuloy ang pamamahagi ng relief goods at may sapat na pondo ang ahensiya para sa mga apektado ng bagyo sa RO2.
Samantala, unti-unti nang naibabalik sa normal ang mga linya ng kuryente sa lalawigan maliban lamang sa nakararanas ng pagbaha sa Northern Cagayan.