-- Advertisements --

Iniutos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang agarang pagappadala ng fact-finding team sa lungsod ng Pasig bunsod ng nag-viral na video kung saan ipinapakita ang mga mentally challenged na mga inidibidwal at ginagamit sa mga political ads sa social media.

Ayon sa kalihim, mariing na kinokondena ng kanilang ahensya ang pag-exploit at paggamit ng mga may kapansanan at maging ng bulnerableng sektor ng lipunan sa mga political ads at maging sa pangangampaniya.

Binigyang diin rin ni Gatchalian na ang malisyosong aksyon na ito ay isang paglabag sa Republic Act no. 7610 o ang “Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act”.

Paalala naman ng kalihim sa mga tumatakbo ngayong eleksyon, walang karapatan ang mga kandidato na gawing biro o gamitin ang pagiging bulnerable ng mga ito para sa political purposes.

Aniya, ang eleksyon ay hindi para gawing biro ang buhay ng iba ngunit para ipakita kung ano ang maaaring magawa ng mga political candidates para sa kanila at sa mga botanteng nililigawan ng mga ito.

Nauna na dito ay nagpahayag na ang kalihim na ang mga insidenteng ito sa Pasig ay lalabas sa mismong resulta ng halalan at makikita na maling minaliit at ginamit ng mga kandidato ang mga indibidwal na ito sa kanilang political gain.

Magsisilbi aniya itong babala sa mga susunod pang kandidato na ang pagdurusa ng mga may kapansanan, mga vulnerable sector, mga kababaihan at kahit mga bahgi ng marginalized sektor ay hindi dapat bhagi ng mga political ads at speeches dahil ang buhay ng sektor na ito ay hindi punch line ng isang biro.

Samantala, kapag napatunayan naman na may nilabag ang kandidatong gumamit ng political ads na ito ay papatawan siya ng mga kaukulang parusa sa ilalim ng RA 7610 at ituturing na isang kaso ng pangaabuso.