-- Advertisements --

Sinasanay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga personnel ng mga lokal na pamahalaan sa Negros Island Region upang sila na ang mamahala sa mga evacuation center.

Nais ng DSWD na gampanan ng mga LGU ang disaster response management, lalo na sa mga evacuation camp sa Canlaon City na pangunahing pinagdalhan sa maraming biktima ng patuloy na pag-alburuto ng bulkang Kanlaon.

Mula noong huling pumutok ang bulkan noong December 9, hindi na huminto ang ahensiya na magbigay ng augmentation at suporta sa mga evacuation center.

Ayon kay DSWD7-Disaster Response Management Division Chief, Lilibeth Cabiara, hindi ito tuluyang pagpapasakamay sa kanilang tungkulin, bagkus, nais nilang maranasan ng mga LGU na pamahalaan mismo ang mga evacuation camp upang maihanda sila sa posibleng mas malawakang paglikas.

Bahagi rin ito aniya ng paghahanda ng gobiyerno para sa posibleng pagtaas ng alerto tungo sa Alert Level 4, oras na masundan ang December 9 eruption ng isa pang major eruption.

Kung mangyayari ito aniya, magiging kritikal ang tungkulin ng mga LGU, lalo na ang mga provincial government, na pamahalaan ang mga itatayong evacuation camp sa mga bayan at syudad.

Ayon sa DSWD, kung tuluyang maipapasakamay na sa LGU ang pag-manage sa mga kampo, ang 150 personnel nito na naka-aasign sa Negros Oriental at Canlaon City ay babawasan na at maiiwan na lamang ang walong personnel sa mga camp.

Sa kabila nito, tinayak ng ahensiya ang tuloy-tuloy nitong pagsubaybay sa kalagayan ng mga evacuees, kasama na ang paghahatid ng mga food at non-food item.