Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development ang kahandaan nito sakaling kailangan ng mga residente sa Calabarzon Region na mailikas dahil sa banta ng bulkang Taal.
Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, nakapreposisyon ang malaking bahagi ng family food packs nito sa Calabarzon.
Umaabot sa mahigit 126,000 FFP aniya ang nasa mga bodega nito sa iba’t-ibang mga probinsya ng Calabarzon at maaaring maipamahagi sa mga residente na kailangang ilikas.
Ayon pa kay Dumlao, nakahanda rin ang DSWD na magdagdag ng malaking bulto ng FFP kung sakaling kakailanganin pa, lalo na at malapit lamang ang naturang rehiyon sa central office ng ahensiya.
Maaalalang namonitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang sunud-sunod na aktibidad ng bulkang Taal sa mga nakalipas na araw. Pinakahuli rito ang mahinang phreatic eruption na naitala ngayong araw (Oct. 12) na tumagal ng dalawang minuto.