Kasalukuyang sinusuri ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan ng kanilang disaster response facilities sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.
Ito ay alinsunod sa prayoridad ng administrasyong Marcos na matiyak ang mabilis na pagtugon sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian si Special Assistant to the Secretary (SAS) Maria Isabel Lanada na magsagawa ng site inspection sa iba’t ibang bodega ng departamento sa mga lalawigan ng Quirino at Isabela.
Kabilang sa mga bodega na binisita ni Lanada ay ang mga nasa lungsod ng Ilagan at Santiago sa Isabela, at ang mga bodega sa mga munisipalidad ng Diffun at Saguday sa lalawigan ng Quirino.
Ang inspeksyon ay bahagi ng disaster preparedness program ng DSWD na tinatawag na “Buong Bansa Handa,” na kumukuha ng pinalawak na network ng mga pasilidad ng bodega ng mga local government units (LGUs), mga pamahalaang panlalawigan, iba pang ahensya ng pambansang pamahalaan, at pribadong sektor upang matiyak ang tuluy-tuloy na pagkakaloob ng pangunahing pangangailangan para sa mga biktima ng kalamidad.
Ang DSWD, sa pamamagitan ng Field Office-2 (Cagayan Valley), ay nakatakda ring dagdagan ang 12,224 family food packs (FFPs) sa Isabela, at 9,530 FFPs sa lalawigan ng Quirino sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, pinalalakas at pinaiigting pa nasabing departamento ang kanilang kahandaan gayundin ang kakayahan upang kaagad na tumugon sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.