Binigyang diin ng Department of Social Welfare and Development ang pangangailangang makapaghatid ng agarang tulong sa mga residenteng apektado ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, magpapatuloy ang pamamahagi nila ng cash aid sa mga Kanlaon Evacuees kung saan ay nakatanggap ito ng tig P5,000.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng naging pagbisita nito sa mga residenteng namamalagi sa mga itinayong evacuation centers sa lalawigan ng Negros Occidental.
Kasama ni Gatchalian sa pagbisita sa lugar si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, maliban sa cash aid ay nagpaabot rin sila ng food at non-food items.
Sa datos ng ahensya , aabot sa kabuuang 2.4 milyong kahon ng family food packs at P46.6 milyong standby funds ang nananatiling available para sa kakailanganing tulong ng mga lokal na pamahalaan.