Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na hindi lamang sila nakatutok sa datos o numero para matukoy ang target beneficiaries sa kanilang social protection programs.
Sa budget briefing sa Kamara, inusisa ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang DSWD ukol sa pananaw nito sa pag-aaral ng NEDA na ang monthly threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro ay 9,581 pesos o 64 pesos kada tao sa loob ng isang araw.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, talagang hindi sasapat ang 21 pesos na budget para sa pagkain at hindi sila sang-ayon na hindi na maituturing na “food poor” ang mga indibidwal na kayang gumastos ng higit sa 64 pesos bawat araw.
Pero hindi lamang aniya ito ang “indicator” para sa anti-poverty programs.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na 70 percent ng Social Welfare and Development Indicator ay non-monetary kung saan ginagawang batayan ang social adequacy at overall well-being gaya ng itsura ng tahanan ng isang pamilya at accessibility sa health care at edukasyon.
Giit pa ng kalihim, kung hindi nila gagamitin ang SWDI rating system ay aabot sa 1.4 million households ang “disenfranchised” o mapagkakaitan ng social programs.
Naniniwala ang opisyal na kailangan ang “human factor” at pagtingin ng isang social worker sa sitwasyon ng bawat pamilya upang masukat ang pang-araw-araw na buhay at hindi sa mata ng mga ekonomista.