-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mananagot ang mga opisyal ng barangay na sangkot sa pagbawas ng ayuda sa isang buntis na beneficiary sa Davao del Sur.

Dahil dito, nagbabala ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa lahat ng mga barangay officials, o elected officials maging ang mga kawani ng DSWD na wala silang karapatan na kaltasan ang ayudang ibinibigay ng ahensya sa mga natukoy na pinaka apektado ng El Niño.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, batay sa kanilang paunang imbestigasyon, kinaltasan daw ito ng barangay officials para ma-parte-parte at maipamigay sa mas maraming tao.

Giit ni Gatchalian, hindi nila ito palalagpasin ang ganitong gawain kahit pa isolated case lamang ito.

Dahil dito, magsasampa ng patong-patong na kaso ang DSWD kasama ang benepisyaryo laban sa mga sangkot na barangay officials.

Kabilang sa mga isasampang kaso ay administratibo at kriminal, partikular ang grave abuse of authority, graft and corruption, intimidation at robbery.

Umaasa ang DSWD na magsilbing babala ito sa iba pang barangay officials na nagbabalak samantalahin ang mga benepisyaryo.

Hinimok rin ni Gatchalian ang mga benepisyaryo na huwag pumayag na bawasan ang kanilang ayuda at agad na magsumbong sa kanilang ahensya upang maagapan at maaksyunan kaagad ang ganitong uri ng pang-aabuso.

Ang pahayag ni Gatchalian ay may kaugnayan sa nag viral na video na isang buntis sa Davao del Sur, kung saan binawasan ng barangay ang ayuda nitong P10,000 at binigyan lamang siya ng P1,500 pesos.