Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroong sapat na intervention o suporta na ibinibigay sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag kasunod ng naging statement ng isang research group na wala umanong sapat na tulong at walang income na ibinibigay para sa mga residenteng apektado ng tumagas na langis sa Oriental Mindoro.
Giit pa ng DSWD na bagamat mandato ng mga lokal na pamahalaan na maging unang responder tuwing mayroong natural at human -induced calamities sa ilalim ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, nagbibigay rin aniya ang ahensiya ng kinakailangang basic services para sa mga apektadong populasyon sa pamamagitan ng technical assistance at resource augmentation.
Sa katunayan, base sa latest report mula sa DSWD, mahigit P137.3 million halaga na ng humanitarian aid ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya sa probinsiya.
Maliban dito, nagpapatupad din ang ahensiya ng cash for work program sa probinsiya para magbigay ng pansamantalang kabuhayan para sa mga apektadong populasyon.
Sa ngayon nasa 14,000 affected individuals na natukoy ng kanilang LGUs ang nakatanggap na ng kanilang inisyal na sahod.