-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na gagawin nito ang lahat upang matugunan ang suliranin sa kagutuman sa Pilipinas.

Ito ang ipinangako ng naturang kagawaran kasunod ng naging resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Station na isinagawa noong Marso 21 hanggang Marso 25, 2024 na nagpapakita na tumaas sa 14.2% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng taggutom at walang makain sa bansa.

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ito ang target na masolusyonan ng kanilang Walang Gutom 2027 food stamp program na layuning tugunan ang food insecurity at gutom ng mga Pilipino.

Aniya, mayroong dalawang objectives ang naturang programa kung saan ang una ay bawasan ang bilang ng mga Pilipinong dumaranas ng involuntary hunger at malnutrition, habang ang ikalawa naman ay ang matulungan ang mga ito na magkaroon ng trabaho, kasanayan, o kakayahan para maging mga kapaki-pakinabang na miyembro ng komunidad.

Sa ilalim ng naturang programa kasi ay makatatanggap ang mga benepisyaryo ng electronic benefit transfer card na naglalaman ng Php3,000 na halaga ng food credits na ibibigay sa kanila kada buwan.

Ito ay maaaring gamitin ng mga benepisyaryo para sa pambili ng pagkain mula sa mga tindahang accredited ng DSWD tulad ng mga Kadiwa stores.

Ngunit upang maging kwalipikado sa naturang programa ay kinakailangang sumailalim ng mga benepisyaryo sa nutrition sessions bago sila mabigyan ng naturang card.

Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pilot implementation ng Walang Gutom 2027 Food Stamp Program ng DSWD na kasalukuyan nang mayroong mahigit 2,300 beneficiaries na nagmula naman sa isang milyong households ng mga Pilipinong natukoy na nakabilang sa poorest of the poor mula sa Tondo, Maynila; San Mariano, Isabela; Dapa, Siargao; Garchitorena, Camarines Sur; at Parang, Maguindanao.