-- Advertisements --
senior citizen

Umaasa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaprubahan ng Kongreso ang karagdagang pondo para sa Social Pension for Indigent Senior Citizens Program nito sa panukalang pambansang badyet para sa 2024.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, ang Department of Budget and Management ay nagmungkahi ng P49.81 bilyon para sa social services sector para pondohan ang pagtaas sa pagpapatupad ng programa.

Aniya, ang pagdodoble sa inilaang halaga na P25.30 bilyon sa 2023 General Appropriations Act ay ang “realization of Republic Act (RA) No. 11916 or an Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens.”

Nakasaad sa RA 11916 ang 100 porsiyentong pagtaas sa buwanang pensiyon ng mga mahihirap na senior citizen mula P500 hanggang P1,000.

Idinagdag ni Lopez na ang pag-apruba ng pondo ay magtitiyak na ang mga programa at serbisyo para sa mga senior citizen ay makabuluhang makaaapekto sa buhay ng mga benepisyaryo.