Nilagdaan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippine Country Representative Oyunsaikhan Dendevnorov ang isang memorandum of understanding (MOU) para sa pagpapatupad ng isang Standby Agreement on Emergency Cash Transfer (ECT).
Ang DSWD at UNICEF partnership, na pormal na ginawa noong Abril 11, ay magpapalakas sa pagbibigay ng gobyerno ng shock-responsive social protection measures sa mga bata at kanilang pamilya sa panahon ng mga emergency at kalamidad.
Ayon kay Gatchalian, ang partnership ng DSWD at UNICEF Philippines ay isang innovation na magbibigay ng social protection assistance na angkop para sa mga nilalayong benepisyaryo nito.
Samantala, tiniyak ni Dendevnorov na ang partnership ay magbibigay ng “life-saving assistance” sa mga bata at kanilang mga pamilya sa oras ng emergency.
Ang MOU ay magsisilbing batayan para sa magkabilang panig para sa pagpapatupad ng isang Standby Agreement sa ECT upang matiyak na ang mga pamilya o sambahayan na naapektuhan ng kalamidad at kanilang mga anak ay magkakaroon ng access sa tulong pinansyal pagkatapos ng isang emergency gamit ang mga kasalukuyang DSWD social protection programs at disaster response mechanisms.
Ang ECT ay isang adaptive strategy sa mga puwang sa pagitan ng immediate disaster relief, humanitarian response, at maagang recovery support sa pamamagitan ng cash aid para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.