-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umaani ngayon ng papuri sa social media ang ginawang pag-breastfeed ng isang social worker mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Bicol sa one-week old pa lamang na sanggol ng isang evacuee na apektado ng Bulkang Taal.

Hindi nag-atubiling tumulong si Mabel Cardel ng DSWD-Bicol sa pagpapasuso ng sanggol dahil wala umanong lumalabas ang breast milk mula sa ina nitong evacuee.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cardel nabatid na bago ang deployment nito bilang bahagi ng One Bicol Emergency Response Team sa Batangas, mayroon rin itong 11-month old na sanggol na naiwan sa Legazpi City.

Hinaplos aniya ang puso niya at nakaramdam ng awa nang makita ang sanggol na lantad na agad sa mahirap na sitwasyon kahit ilang araw pa lamang sa mundo.

Hindi lamang isang beses ang ginagawang pag-breastfeed ni Cardel dahil bumabalik ito sa naturang sanggol kung nagugutom.

Pabiro pang sabi ni Cardel na mistulang siya na ang “mommy number 2” ng bata.

Pagbabahagi pa ni Cardel na matagal na rin aniya siyang nagdo-donate ng breast milk sa mga nanay na nahihirapang maglabas ng gatas.