CENTRAL MINDANAO- Nagsagawa ng surprise inspection ang Department of Trade and Industry (DTI-12) sa iba’t ibang business establishment sa Midsayap, Cotabato.
Kasama ng DTI-XII sa paglilibot ang mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Local Economic and Investment Promotion Office (LEIPO), Public Employment Service Office (PESO) at Municipal Tourism Office.
Ang mga nabanggit na opisina ang naatasang magpatupad sa mga panuntunan ng new normal transactions sa lahat ng business establishments sa Midsayap kung saan ipinatutupad pa rin ang Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon kay Midsayap Tourism Officer Fersan-Jocel Sawit, nasa 10 business establishments ang kanilang sinuri kung nasusunod ba ang “new normal business transactions” alinsunod sa panuntunan ng National Inter-Agency Task Force on COVID-19.
Kabilang sa kanilang napuntahan, ayon kay Sawit, ang apat na salons at barber shops at anim na food-service establisments.
Pinayuhan naman ng DTI-XII ang mga napuntahang business establishments na mas lalo pang pagbutihin at higpitan ang pagpapatupad ng mga panuntunang pangkalusugan upang malabanan ang pagkalat ng coronavirus.
Magpapatuloy naman ang isasagawang surprise inspection sa mga susunod na araw.
Samantala, nagpaalala naman sa mga business establishments ang lokal na pamahalaan ng Midsayap na sumunod sa guidelines ng “new normal business transactions” upang mapaghandaan ang ginagawang surprise inspection ng iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno.