-- Advertisements --

Pinaigting pa ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang price monitoring sa basic necessities at prime commodities.

Ito ay kasabay ng paghahanda ng bansa para sa pagdating ng La Nina phenomenon na magdadala ng malalakas na pag-ulan at posibleng mas madalas at malakas na bagyo.

Inisyu ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang naturang pahayag matapos ang matapang na posisyon ni Defense Sec. Gilberto Teodoro sa kanilang joint efforts sa paglaban sa mga nagmamanipula ng mga presyo at pagprotekta sa mga konsyumer sa panahon ng La Nina.

Sinabi din ng kalihim na nakikipagtulungan na sila sa DILG para i-reactivate ang Local Price Coordinating Councils na aniya ay mahalagang partners sa kanilang price monitoring initiatives.

Gayundin nakikipagtulungan na ang DTI sa DA para matiyak ang patas na presyo at maprotektahan ang kapakanan ng mga konsyumer.

Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Laurel, personal niyang imomonitor ang presyo ng agricultural products gaya ng bigas at mais.

Nagpaalala din ang DTI chief sa publiko na ipapatupad ang automatic price control sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity dahil sa La Nina.