-- Advertisements --

Nakatakdang lumipad patungong Amerika si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque sa susunod na linggo.

Ito ay kasabay ng nakatakdang pakikipagkita ng trade and economic officials ng Pilipinas sa Trump administration para matugunan ang ipinataw na taripa.

Ayon sa kalihim, aalis siya ng Maynila patungong US sa araw ng Martes, Abril 29 kasama si Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go.

Hindi naman tinukoy ng kalihim ang eksaktong petsa ng pagpupulong kasama ang US officials subalit isasagawa aniya ito bago sila bumalik ng Pilipinas sa Mayo 2.

Makikipagkita ang delegasyon ng Pilipinas sa trade gurus ng Trump administration gaya ni US Trade Representative (USTR) Ambassador Jamieson Greer and Commerce Secretary Howard Lutnick.

Ayon kay Sec. Roque, pangunahing layunin ng isasagawang pagpupulong ay para mapababa ang mga taripa at bibigyang diin na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang matatag na ugnayan nito sa Amerika.

Matatandaan na una ng pinatawan ni US President Donald Trump ang lahat ng foreign-based goods ng 10 porsyentong taripa nang may karagdagang reciprocal tariffs sa mga bansa na may trade deficit sa US.

Sa Pilipinas, nasa 17% ang ipinataw na taripa, bagay na mas mababa kung ikukumpara naman sa mga competitor nito sa rehiyon tulad ng Vietnam, Thailand, Indonesia at Malaysia.

Bagamat inihinto pansamantala ni Trump ang pagpapataw ng reciprocal tariffs sa loob ng 90 araw na nakatakdang alisin sa Hulyo.