Magpapatupad ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga proactive measures na hakbang upang matugunan ang mga posibleng epekto ng iminungkahing universal tariffs ni US President Donald Trump, na maaaring magdulot ng banta sa export sector ng bansa.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni DTI Secretary Cristina Roque na ang US ay isa sa mga pangunahing partner trading ng Pilipinas kung saan maaaring makaapekto ang taripa sa iba’t-ibang uri ng mga produktong ine-export ng Pilipinas.
Upang tugunan, sinabi ng DTI na makikipagtulungan sila nang personal sa administrasyong Trump upang pag-isipan ang mga solusyon na magiging “mutually beneficial.”
Isa sa mga plano na isinasaalang-alang ng DTI ay ang posibilidad ng mga preferential trade agreements, na ayon sa ahensya ay makikinabang ang parehong ekonomiya ng Pilipinas at Estados Unidos.
Batay kasi sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nitong 2024 nanatili ang Pilipinas bilang nangungunang bansa na nag e-export ng mga produkto sa Estados Unidos.
Kung saan aabot na ito sa $12.12 billion, kabilang sa mga pangunahing produkto ng Pilipinas na ine-export sa US ay ang semiconductor devices, automobile parts, electric machinery, textiles and garments, at processed food and beverages.
Maaalala na sinabi ni Trump ang pagpapatupad nito ng 10% na taripa sa lahat ng produktong inaangkat mula sa ibang bansa patungo sa US.
Kamakailan lang din ay inihayag ng White House ang isang 25% taripa sa mga import mula sa Canada at Mexico bilang bahagi ng mga hakbang ni Trump upang pigilan ang migration at drug smuggling. Subalit ang mga taripang ito ay ipinagpaliban matapos magkasundo ang mga lider ng tatlong bansa na magpatuloy ang 30-araw na pahinga.