Lumobo umano ang natatanggap na mga reklamo ng Department of Trade and Industry (DTI) mula sa mga konsyumer na may kaugnayan sa business transactions online noong panahon ng enhanced community quarantine period (ECQ).
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, nakita ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ng ahensya ang pagtaas ang reklamo online sa unang limang buwan ng 2020 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“From January to May, ang laki ng tinaas ng consumer complaints that were recieved FTEB,” wika ni Castelo.
Batay sa datos na ibinahagi ni Castelo, ipinapakitang umabot sa 9,044 ang mga reklamo online noong Enero hanggang Mayo mula sa 2,457 noong nakaraang taon.
Umakyat din aniya ang pagbili at pagbenta online sa panahon ng quarantine mula Marso 17 hanggang Mayo 31.
Ipinapakita rin sa datos ng DTI na para sa Abril hanggang Mayo, peak ng ECQ, umabot sa 8,059 ang kabuuang reklamo online mula sa 985 mula Enero hanggang Marso.
Karamihan sa mga reklamo ay overpricing, na tumaas sa 6,992 mula Abril hanggang Mayo mula sa 51 noong Enero hanggang Marso.
Maging ang mga reklamo mula sa palyadong mga produkto ay tumaas din sa 668 mula 512, habang lumobo naman sa 241 mula 124 ang concern tungkol sa hindi magandang customer service.
Samantala, bumaba naman sa 40.99% ang reklamo sa dalawang popular na online platforms tulad ng Lazada at Shopee.
Ngunit tumaas naman sa 62.16% ang mga reklamong umiikot sa mga transaksyon sa Facebook at iba pang platforms.