Nagpatupad na ng price freeze ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga basic necessities sa mga lugar na idineklarang nasa ‘state of calamity’ dahil sa bagyong Kristine.
Ayon sa DTI, ang Albay province at Magpet Town sa Cotabato ang kasalukuyang sakop ng naturang advisory dahil sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa lugar.
Tiniyak naman ni DTI Secretary Cristina Roque na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Office of Civil Defense (OCD) para mapatupad ang price freeze advisory sa mga nangangailangang lugar.
Ang price freeze na ito ay mandato ng Republic Act No. 7581 o ang Price Act, na nagsasabing kailangan itong ipatupad kung idineklara na ang ‘state of calamity’ sa isang lugar.
Ang naturang price freeze ay magagamit lamang sa mga basic necessities, katulad ng mga de latang pagkain, instant noodles, tinapay, kape at iba pa, sa loob ng 60 na araw.