Naglunsad ang Department of Trade and Industry ng bagong consumer protection hotline upang tutukan ang hinaing ng mga mamimili.
Sa budget briefing ng DTI para sa proposed P8.6 billion pesos na budget nito sa susunod na taon, sinabi ni Trade Acting Secretary Cristina Roque na maaari nang makipag-ugnayan nang direkta sa kanyang tanggapan ang mga consumer para sa anumang sumbong.
Maaaring magtanong o magreklamo sa pamamagitan ng reporttosec@dti.gov.ph.
Iginiit ni Roque na lalo silang magiging agresibo sa price monitoring gayundin sa fair trade at pagtatakda ng product standards na sisigurong mataas ang kalidad ng mga produkto.
Kinumpirma rin ng kalihim na simula sa susunod na buwan ay mag-iikot ang DTI sa mga palengke sa mga rehiyon at probinsya.
Layon umano nito na paigtingin ang price monitoring at compliance at sisilipin kung paano ipinatutupad ang mga programa.
Samantala, idinagdag pa ni Roque na magkakaroon ng “intensified approach” ang ahensya para makahikayat ng foreign investments.
Ang 8.6 billion pesos na panukalang budget ng DTI sa 2025 ay mas mababa ng 9.7 percent kumpara sa 8.89 billion pesos ngayong taon.