Nakikita ng Department of Trade and Industry (DTI) na bababa ang presyo ng goods o mga produkto na magbebenipisyo sa mga mamimili matapos ipag-utos ni PBBM ang suspensiyon ng paniningil ng “pass-through” fees ng mga lokal na pamahalaan sa mga sasakyang nagbabiyahe ng goods at merchandise sa national roads at iba pang kalsada na hindi pinondohan at pinagawa ng LGUs.
Ayon kay Undersecretary for Communications and Legislative Affairs Maria Blanca Kim Bernard-Lokin, direktang matutugunan nito ang pasanin at sentimyento ng mga consumer.
Paliwanag pa ng DTI official na binubuo ng 30% ng actual retail price ng goods na ibinibenta sa merkado ang halaga ng logistics kung saan kabilang dito ang pass-through fees na sinisingil ng LGUs, langis at iba pa.
Ang pagbawas ng transport at logistics cost ay isa sa pillars ng 8-Point Socioeconomic agenda ng Marcos administration.