Pinag-aaralan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit ng mga manufacturers ng canned goods na taasan ng dalawa hanggang limang porsyento ang kanilang mga produkto.
Umaaray na raw kasi ang mga manufacturers dahil sa lumolobo nilang gastos sa mga raw materials.
Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, hinihiling ang mas mataas na suggested retail price (SRP) dahil sa tumaas na presyo ng tin, raw material inputs at petrolyo.
Sinabi ng kalihim, posibleng payagan nito ang umento sa presyo basta’t may pruweba ang mga canned meat manufacturers na tumaas ang kanilang production cost.
Giit pa ni Lopez, hindi papahintulutan ng gobyerno ang adjustment sa SRP na lalampas sa 10 percent.
Nilinaw naman nito na ang hiling na taasan ang SRP ay bago pa man ang outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Nagbabala naman si Lopez na posibleng magkaroon pa ng serye ng petisyon sa price increase kung aakyat pa rin ang presyo ng oil products.