Pinaigting pa ng Department of Trade and Industry – Fair Trade Enforcement Bureau ang pagbabantay nito sa mga ibinibentang ilegal na paputok bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Bagong taon.
Ayon kay Fair Trade Enforcement Bureau Director Gino Mallari, maaari silang mag-isyu ng cease and desist orders para sa mga manufacturer at palagay nito ay mayroon na ring ipinapatupad ang Philippine National Police (PNP) na special law sa kriminal na aspeto ng mga paglabag.
Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa mga apela mula sa legal firecracker manufacturers para sa mas mahigpit na enforcement laban sa pagbebenta ng mga hindi sertipikadong produkto na anila’y nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Tiniyak naman ng opisyal ang tuluy-tuloy silang nakikipagtulungan sa PNP partikular na sa pagkalap at pagbabahagi ng impormasyon kung saan maaaring makita ang mga uncertified products.
Nakikipagtulungan na rin ang DTI sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga ordinansa at pagtatalaga ng mga lugar para sa display at pagbebenta ng mga legal na paputok.