Plano ng Department of Trade and Industry na isama na rin ang unit cost ng basic goods sa suggested retail price (SRP) bulletin.
Ito ay sa layuning matulungan ang mga konsyumer na makapagdesisyon ng wais sa pagbili ng basic goods gaya ng noodles, tinapay at mga delata.
Ayon kay Trade Assistant Secretary Amanda Nograles, tagapagsalita para sa consumer protection group ng DTI, na ang naturang hakbang ay parte ng pagsisikap ng pamahalaan na matugunan ang alalahanin ng mga konsyumer sa shrinkflation kung saan ang size o volume ng produkto ay binabawasan para mapanatiling competitive ng mga manufacturer ang kanilang presyo sa tumataas na halaga ng produksiyon.
Paliwanag pa ng opsiyal na nahihirapan ang konsyumer na paghambingin ang presyo ng mga item at produkto sa SRP bulletin. Ipinunto din nito na ang nakalistang mga produkto ay mayroong magkakaibang volume sa grams o milliliters.
Kaya’t imamandato nilang maisama ang unit cost para agad na makita ng mga konsyumer ang mas mura at agad na makapagdesisyon sa bibilhing produkto.