Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na sumunod sa ipinataw na price freeze sa mga basic goods.
Ito ay matapos isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa buong Luzon.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa manufacturers ng basic at prime commodities, para matiyak na sapat at napupuno muli ang suplay lalo na sa mga sinalantang lugar.
Nagbabala si Castelo na ang sinumang susuway sa price freeze ay maaaring makulong ng hanggang 10 taon o magmumulta mula P5,000 hanggang P1-milyon.
Kabilang sa mino-monitor ng DTI ay ang presyo ng sardinas, instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, sabong panlaba at asin.
Samantala, binabantayan naman ng Department of Agriculture ang presyo ng bigas, mais, mantika, isda, itlog, baboy, poultry meat, asukal, gulay at prutas, habang nakatoka sa Department of Health ang mga gamot.