Sang-ayon ang Department of Trade and Industry na magdeklara ng food security emergency for rice ang Department of Agriculture para sa mas epektibong pagbaba at mas monitored na pagbabago sa presyo ng mga bigas sa merkado.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni DTI Sec. Ma. Cristina Roque na malaki ang maitutulong ng pagdedeklara ng food emergency sa mga presyo ng bigas.
Aniya, kailangan na talaga na mamonitor ng maigi at maibaba na ang presyo ng mga naturang produkto para sa human consumption.
Sa ilalim din umano nito ay malalaman kung sumusunod nga ba sa tamang presyo ang mga nagbebenta ng bigas na siyang direktiba ng DA kung saan dapat maibaba ang presyo ng bigas para sa mga kumokonsumo nito.
Samantala, dahil nga kasama na ang bigas sa mga patuloy na minomonitor na presyo ng DA, siniguro ni Roque na ang sinumang hindi sumunod sa dapat na presyo ay siyang makakatanggap ng kaukulang parusa.