Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang posibleng pakikipagtulungan sa Boeing upang palawakin ang industriya ng aerospace, satellite technology, at digital infrastructure sa bansa.
Nakipagpulong si Trade Secretary Cristina Roque sa satellite unit ng Boeing sa California upang talakayin ang potensyal na kolaborasyon. Ayon kay Roque, malaki ang maiaambag ng Boeing sa pagpapaunlad ng aviation, defense, at satellite communications ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, may sampung kumpanyang Pilipino na gumagawa ng bahagi para sa mga commercial aircraft ng Boeing, na bumubuo ng $100 million sa global supply chain ng kumpanya.
Ibinahagi rin ng Boeing ang kanilang cutting-edge satellite technologies at plano nitong maglunsad ng satellite sa 2025 upang mapabuti ang komunikasyon sa Timog-Silangang Asya, kung saan makikinabang ang Pilipinas.
Hinimok ni Roque ang Boeing na palawakin ang kanilang manufacturing at technology investments sa bansa, lalo na sa ilalim ng CREATE MORE Act na nagbibigay ng tax incentives sa high-tech industries.
Matagal nang may ugnayan ang Boeing at Pilipinas, simula pa noong 1946 nang tumulong ito sa isang airline company sa unang trans-Pacific flight ng isang Asian airline.