ROXAS CITY – Pinuri ng local government units at Philippine Red Cross (PRC) ang adbokasiya ng Bombo Radyo Philippines sa pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Dugong Bombo 2020 kasabay sa hinaharap ngayong problema ng bansa na coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kasunod ito ng isinagawang Dugong Bombo 2020 sa Civic Center sa Brgy. Poblacion Sur, Ivisan, Capiz.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Mignon Andrada, malaking tulong ang bloodletting activity ng Bombo Radyo Roxas upang mapahaba pa ang buhay ng isang tao.
Nagpapasalamat ito sa Bombo Radyo dahil sa kabila ng pandemya ay naging bahagi ito upang makatulong sa mga pasyente na mayroong iba’t-ibang karamdaman at nangangailangan ng dugo.
Aniya, importante na maging malusog ang katawan ngayong may health crisis.
Maliban dito, sinabi rin ni Barangay Kagawad Joel Taborda na maraming mga residente sa kanilang lugar ang nag-donate ng dugo sa Dugong Bombo 2020.
Dagdag pa nito na kahit nagpapatuloy ang bloodletting activity ay patuloy pa rin ang pagsunod ng mga blood donor ng mga minimum health protocol katulad na lamang ng social distancing, pagsuot ng facemask at faceshield bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.
Bumuhos ang maraming tao sa Dugong Bombo 2020 ng Bombo Radyo Roxas sa naturang bayan upang mapakita ang kanilang suporta kung saan umabot sa 77 na mga blood donors ang naka-donate ng kanilang dugo.
Samantala, binigyan naman ng Bombo Radyo Roxas ang mga successful donors ng Dugong Bombo T-shirt Special Edition at mga vitamins.