CAGAYAN DE ORO CITY – Nadadagdagan pa ang bilang ng mga tinaguriang “modern heroes” sa gitna ng pandemyang dala ng coronavirus disease sa Northern Mindanao.
Ito ay makaraang dayuhin ng mga residenteng nais mag-donate ng kanilang dugo ang inilunsad na blood letting activity ng Bombo Radyo Philippines katuwang ang Philippine Red Cross, Northern Mindanao Medical Center at iba pang mga pribadong sektor.
Umabot sa kabuuang 77 katao ang successful blood donors sa aktibidad na isinagawa sa covered court ng Barangay Iponan at Regional Training School ng PNP-10 sa Barangay Patag ng Cagayan de Oro City.
Nakalikom ang Northern Mindanao Medical Center ng 23 blood bags mula sa successful blood donors na mga miyembro ng Oro Builders Eagles Club.
Samantala, umaabot naman sa 54 successful blood donors na mga pulis ang nakunan ng PRC sa loob ng PNP-10 training school.
Kapwa inihayag nina PRC blood manager Dr. Christina Marie Pelaez at Oro Builders Eagles Club President Dong Villapañe na ang panibagong tagumpay ay patunay na kahit sinubok man ng pandemya, magagawan pa rin ng paraan upang makapagbigay ng dugo lalo na sa mga taong nangangailangan.
Lahat naman ng mga nakunan ng dugo ay nakatanggap ng “Dugong Bombo” t-shirts bilang souvenir at pagpapasalamat sa mga tumugon sa tuloy-tuloy na inisyatibo ng Bombo Radyo Philippines.
Ito na ang ikaapat na blood letting activity partnership ng Bombo Radyo at sa ibang grupo sa loob ng Nobyembre kung saan nasa 207 blood bags na ang magagamit ng mga pasyente na mas nangangailangan ng blood transfusions.