GENERAL SANTOS CITY – Ginawaran ng pagkilala ng 20th Sangguniang Panlungsod (SP) ng General Santos City ang Bombo Radyo Philippines sa pamamagitan ng Bombo Radyo Gensan sa matagumpay na pagkolekta ng maraming dugo sa isinagawang “Dugong Bombo” Blood Letting Program.
Bilang mga kinatawan ni Bombo Jonathan “Janjan” Macailing na kasalukuyang nasa Iloilo dahil sa isinasagawang Top Level Management Conference 2024, tinanggap ng mga tauhan ng istasyon ang parangal kasabay ng 68th Regular Session sa SP Session Hall 2nd floor Legislative Building.
Ang naturang pagkilala ay kasunod ng pagbibigay ng komendasyon ni Gensan Councilor Maria Lourdes Casabuena sa mahalagang papel ng Bombo Radyo Philippines.
Kung matatandaan, hindi nagpatinag ang Bombo Radyo GenSan sa nakaraang malakas na lindol na yumanig sa Mindanao noong Nobyembre 17, 2023 matapos masuspinde ang nakatakdang petsa dahil sa mga pinsalang naganap sa venue dulot ng lindol.
Ngunit noong Nobyembre 26, 2023, matagumapay na naisagawa ang Blood letting activity kung saan 420 bags ng dugo ang nakolekta sa Robinsons Place GenSan.
Ang Dugong Bombo, na isang corporate social responsibility ng network, ay isinasagawa taun-taon sa 24 na pangunahing lungsod sa buong bansa na mayroong mga fully digitalized stations ng Bombo Radyo at Star FM.
Nagpasalamat din ang pamunuan ng Philippine Red Cross Gensan Chapter sa pamamagitan ni ma’am Merlita Gludo ang chapter administrator sa Philippine Red Cross Gensan sa mahalagang kontribusyon ng Bombo Radyo Philippines na nakatatak na sa mga mamamayan.
Nabatid na ang Dugong Bombo ay may slogan na “A Little Pain, A Life to Gain” tinaguriang pinakamadugong aktibidad sa bansa na hangad ay makatulong sa kapwa.