LAOAG CITY – Nahanap na si Dumalneg Municipal Councilor Pedro Cascayan matapos maipaulat na nawawala simula pa noong Setiembre 21, 2024.
Ayon kay Mayor Francisco Espiritu, nahanap si Cascayan sa bulubunduking bahagi ng Sitio Sarsarguelas sa Barangay Isic-Isic, sa bayan ng Vintar sa pamamagitan ng K9 na ibinigay ng Marine Batallion.
Napag-alaman na limang araw na nawawala si Cascayan ay tanging malambot na parte lang ng rattan ang kinakain niya.
Ipinaalam din niya na tanging gabi lang ang pahinga niya sa paglalakad upang mahanap ang tamang daan subalit bigo ito.
Batay aniya sa salaysay ni Cascayan, nagtungo siya sa bulubundukin upang manguha ng rattan ngunit nawala ito kung kaya’t humingi siya ng tulong kay Mayor.
Bukod sa alkalde, tinawagan din ni Konsehal Cascayan ang pamilya niya para ipaalam na siya ay nawawala at nasa bulubunduking bahagi ng Barangay Isic-Isic sa bayan ng Vintar.
Agad namang bumuo ng search and rescue team ang Mayor at humingi na rin ng tulong sa iba’t-ibang sangay ng gobierno, kung saan ilan sa mga ito ay mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Marine Batallion, Regional at Provincial Mobile Force, Municipal at Barangay officials.
Kaugnay nito, laking pasasalamat ni Mayor Espiritu sa lahat ng tumulong kung saan pinasalamatan din niya sina Governor Matthew Marcos Manotoc at Congressman Sandro Marcos dahil sa pagbibigay ng helicopter na nagamit sa paghahanap kay Cascayan.