LAOAG CITY – Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga otoridad si Dumalneg Municipal Councilor Pedro Cascayan matapos maipaulat na nawawala simula pa noong araw ng Sabado, Sept 21, 2024.
Ayon kay PCapt. Junjun Medina, chief of Police ng PNP Dumalneg, nagtungo sa kabundukang bahagi ng Brgy. Quibel si Councilor Cascayan upang kumuha ng ratan ngunit nawala ito sa daan habang pabalik na sana kung kayat nakapagtawag pa ito ng tulong.
Agad bumuo ng dalawang grupo ang mga otoridad sa tulong ng Regional at Provincial Mobile Force Company at Phil. Marines para sa paghahanap sa nasabing konsehal sa lugar kung saan ito huling nakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan at sa Brgy Isic Isic ng bayan ng Vintar na malapit din sa lugar.
Hindi na rin umano ito makontak pa simula kaninang umaga dahil posibleng naubos na ang battery ng gamit nitong selpon.
Napag alaman na nakita rin ng mga otoridad ang pinagtulugan nito kagabi(Sabado) ngunit wala na ito sa nasabing lugar.
Patuloy ang ugnayan ng pulisya sa mga kinauukulan lalo na sa mga LDRRMOs para matunton ang kinaroroonan ng nasabing konsehal.