Nananatiling malabo pa rin na magkaroon ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Gaza sa kabila ito ng nagkakaisang panawagan ng ilang mga world leader na ihinto na ang kaguluhan doon.
Sa isang panayam kay senior Hamas official Mouss Abu Marzouk, ibinahagi nito na humihiling ang Palestinian militant group ng ceasefire sa Gaza habang nagbigay naman aniya ng kondisyon ang Israel sa Hamas na maunang itigil ang pag-atake sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras saka ito gagawa ng desisyon.
Ngunit sa ngayon wala pang commitment hinggil dito ang magkabilang panig.
Nananawagan na rin kasi ang mga European Union foreign ministers ng agarang ceasefire upang matigil na ang gulo sa pagitan ng Israel at Hamas.
Maging ang France, inanunsiyo ang kahilingan nito na magkaroon ng Security Council resolution para sa ceasefire at nagpahayag ng suporta rin sa mediation na pangungunahan ng Egypt.
Nauna na ring nagpahayag ng suporta si US Pres. Joe Biden sa pagkakaroon ng diplomatikong paraan upang mawaksan na ang conflict sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sa kabila naman ng pinaigting na panawagan mula sa mga world leaders, hindi naman natitinag si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa paninindigan nito na ipagpapatuloy ng Israel ang pakikipaglaban hanggat kinakailangan upang mapanumbalik ang kapayapaan sa bansa.
Samantala, patuloy ang pagtaas ng naitatalang death toll sa paglipas ng mga araw dahil sa nagpapatuloy na palitan ng airstrike mula sa Israel sa Gaza at pagpapakawala ng rockets ng Hamas sa Israel na ikinasawi na ng nasa 217 Palestinians at 1,500 katao ang sugatan ayon sa tala ng Gaza Health Ministry.
Nasa 3,000 rockets na ang pinakawalan ng Gaza na karamihan ay naharang naman ng Iron Dome air defense system ng Israel. (with reports from Bombo Everly Rico)