-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinaalarma ng mga otoridad ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue sa lalawigan ng Aklan ngayong taon.

Batay sa datos ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan, aabot na sa 1,043 ang kaso ng dengue sa lalawigan simula Enero 1 hanggang Hunyo 1, 2019, kung saan siyam dito ay tuluyang binawian ng buhay.

Mas mataas ito ng 50 porsiyento kumpara sa kaparehong period noong 2018.

May pinakamataas na kaso sa bayan ng Kalibo na may 300; sinundan ng Banga na may 107; at Numancia na mayroong 94.

Lahat ng 17 bayan ng Aklan ay may naitalang kaso ng sakit.

Karamihan sa mga nagkasakit ng dengue ay mga bata na may edad na isang taon hanggang 10-taon.

Upang makaiwas sa dengue, payo ni Dr. Victor Sta. Maria ng PHO-Aklan na sundin ng publiko ang “4S” campaign ng DOH.

Ito ay ang: “search and destroy mosquito breeding places, secure self-protection, seek early consultation at support fogging or spraying only in dengue hotspot areas.”

Inaasahang tataas pa aniya ang kaso ng dengue ngayong Hunyo sa pagpasok ng tag-ulan.