Nasa Pilipinas na ang air assets ng Singapore at Malaysia para umalalay sa disaster response at humanitarian efforts na isinasagawa sa mga lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyong Kristine.
Nabatid na nitong Sabado nang lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay City ang C-130 aircraft ng Republic of Singapore Air Force (RSAF).
Habang alas-2:39 ng hapon naman nang dumating sa bansa ang Eurocopter EC725 transport helicopter ng Royal Malaysian Air Force (RMAF).
Malugod naman itong sinalubong ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro ang team na sakay ng dalawang military aircraft.
Kasama ng DND chief sina Malaysian Ambassador Dato Abd Malik Castelino, Singaporean Ambassador Constance See, at Philippine Air Force (PAF) Commanding General Lt Gen Stephen Parreño.
Para kay Teodoro, malaking bagay ang pagdating ng mga military aircraft ng mga kaibigang bansa para sa ginagawang humanitarian mission.
Bagama’t malawak ang napinsala ng bagyo, unang tutunguhin ang Bicol Region at Southern Tagalog area na labis na napinsala ng sama ng panahon.