-- Advertisements --

Naniniwala ang counsel ni Allan Fajardo na mga pulis ang dumukot sa kanyang kliyente sa isang hotel sa Sta Rosa, Laguna.

Ang negosyanteng si Fajardo ay dating head ng anti-criminality group ng napaslang na si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, counsel ng pamilya ni Fajardo, kung pag-uusapan ang estilo at dami ng dumukot ay pawang pulis lamang ang may kapasidad nito.

Unang lumabas sa mga report na 10 hanggang 15 katao ang dumukot kay Fajardo subalit may nakuhang eye witness ang kampo nito na sinasabing nasa 30 katao ang nagsagawa ng pagdukot gamit ang matataas na kalibre mg baril.

Matapos umano ang pagdukot ay agad nagpasaklolo ang pamilya ni Fajardo sa PNP pero walang aksiyon dito ang pambansang pulisya.

Sumulat na rin umano ang kampo ng biktima kay PNP chief Oscar Albayalde pero mistulang naharang ang kanilang sulat.

Dahil dito, nagpatulong na lamang ang pamilya ni Fajardo sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasagawa na ng imbestigasyon sa insidente.