MANILA – Nakatakdang turukan ng coronavirus vaccine ng Sinovac sina Health Sec. Francisco Duque III at Vaccinee czar Carlito Galvez bukas ng umaga, March 1.
Ito ang kinumpirma ni Sen. Bong Go, kasabay ng naka-schedule nang pagdating ng 600,000 doses ng bakuna na donasyon ng China mamayang hapon.
Sa isang panayam sinabi ng senador posibleng sa East Avenue Medical Center o Lung Center of the Philippines bakunahan si Duque.
Habang sa UP-Philippine General Hospital naman si Galvez.
“Mauuna na silang magpapabakuna para ipakita sa publiko na magtiwala tayo sa ating gobyerno at sa ginagawa ng gobyerno na tanging ang bakuna lang ang pag-asa,” ani Go sa interview ng DZBB.
Bukod kina Galvez at Duque, nakatakda rin daw bakunahan bukas si Testing czar Vince Dizon, at iba pang miyembro ng gabinete.
Si Pangulong Duterte naman, handa rin umanong magpaturok ng bakuna. Pero dedepende pa ito sa magiging abiso ng kanyang mga doktor.
Sa ilalim ng emergency use authorization na iginawad ng Food and Drug Administration, inirerekomenda lang ang bakuna para sa mga malulusog na 18 to 59-year old na indibidwal.
Ang 100,000 doses ng Sinovac vaccines ay naka-reserba na para sa Department of National Defense.
Kasabay nang bakunahan bukas, inaasahan din ang pagdating ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccine, na mula naman sa COVAX Facility. (with report from Bombo Christian Yosores)