(Update) DAGUPAN CITY – Muling nanindigan si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na handa nitong sagutin ang anumang reklamong isasampa kaugnay ng isyu sa pagpapaupa ng kanilang gusali sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa lungsod ng Dagupan.
Una rito, isiniwalat ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang kanyang natuklasan na umuupa ang Regional Office 1 ng PhilHealth sa gusali na pag-aari ng pamilya ni Duque sa Tapuac District sa lungsod.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod aniya nang sinabi ni Duque na wala itong bahid ng katiwalian para busisiin ang iba pang transaksyon sa PhilHealth.
Iginiit ni Sec. Duque, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, na walang “conflict of interest” sa nangyaring pag-upa ng PhilHealth sa kanilang gusali.
Handa aniya nitong sagutin ang anumang reklamo na isasampa laban sa kaniya kaugnay sa nasabing usapin.
Una ng naipinaliwanag ng opisyal na inabutan na niya ang kontrata sa PhilHealth noong 2015 na pinirmahan ng kanyang kapatid na si Atty. Gonzalo Duque.
Bagamat inamin naman ni Duque na noong i-renew ang kontrata taong 2016 ay siya ang pumirma bago pa siya ini-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng DOH.
Binigyang diin pa nito na wala na umano siya sa gobyerno nang pumirma siya ng kontrata dahil nagretiro na siya noon.
Bukod pa na sa hanggang Disyembre 2019 na lamang ang kontrata dahil ayaw na ng kapatid niyang si Dulce na paupahan ito dahil gagamitin na sa paglalagay ng laboratory.