-- Advertisements --

Todo ang naging pagdepensa ni Health Sec. Francisco Duque III para sa kaniyang sarili at sa kanilang pamilya hinggil sa alegasyon na mayroong “conflict of interest” sa gobyerno.

Sa kanyang opening statement sa padinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Duque na naging bentahe pa nga sa Philhealth Regional Office 1 ang pagrenta nito sa gusaling pag-aari ng kanilang kompanya sa Pangasinan.

Patas din aniya ang naging paniningil nito at walang nangyaring anomalya dahil idinaan naman ito sa proseso.

Gaya nang mga naunang pahayag ng opisyal, ipinaliwanag ni Duque na nag-divest na siya sa kompaniya ng kanilang pamiya noong pumasok siya sa gobyerno bilang Department of Health secretary at ex-officio chairman ng PhilHealth.

Sinabi ni Duque na accessible ang kanilang gusali sa mga empleyado ng PhilHealth gayundin para sa mga miyembro nito.

Wala rin aniyang conflict of interest ang pagpasok sa mga kontrata ng kompaniyang Doctors Pharmaceutical Inc. (DPI) na pagmamay-ari rin ng kanilang pamilya.

Ayon sa DPI, 1946 pa nang maitatag ang DPI at mula noon ay may mga transaksyon na sa gobyerno para magsuplay ng gamot.

Pero nanindigan si Sen. Panfilo Lacson na malinaw na mayroong nangyaring ¨conflict of interest sa pagpasok ng mga Duque sa mga kontrata sa gobyerno.

Ayon kay Lacson, hindi naman kailangan pang maging isang rocket scientist ng sinoman para maintindihan na ang pagiging opisyal ng pamahalaan ni Duque at ang pangongotrata ng kanilang kompaniya sa gobyerno ay malinaw na “conflict of interest.”