Nananatili umano ang tiwala at kumpiyansa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III.
Sa harap ito ng pagkakaladkad ni Sec. Duque sa isyu ng conflict of interest kasunod pagkakakuha ng kompaniya ng pamilya sa milyun-milyong kontrata sa Department of Health (DOH) at sa pag-upa ng PhilHealth sa gusaling pag-aari ng pamilya sa Pangasinan.
Sinabi ni Presidental Spokesman Salvador Panelo, nakapagpaliwanag na sa isyu si Sec. Duque.
Ayon kay Sec. Panelo, batay sa paliwanag ni Duque, nakuha ng Doctor’s Pharmaceutical Incorporated ang multi-million medical supply contract noong hindi pa siya ng kalihim ng DOH.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Sec. Panelo na iniimbestigahan na ng Office of the President (OP) si Sec. Duque kaugnay sa mga kinakaharap na kontrobersya.
Mariin namang pinabulaanan ni Duque na may kaugnayan siya sa mga kontratang nakuha sa gobyerno ng medicine firm na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya.
Ayon kay Duque sa panayam ng Bombo Radyo, taong 2006 pa lang ay nag-divest na siya sa kompaniya kaya’t walang conflict of interest.
“Noong 2005 pa nagsimula ang divestment process at natapos noong 2006. Naibenta ko na rin ‘yung shares ko noon. Kaya wala ritong conflict of interest,” ani Duque.