Nakatakda umanong turukan ng bakunang gawa ng British firm na AstraZeneca si Health Secretary Francisco Duque III.
Sa isang press conference sa Davao City, sinabi ni Duque na puwede raw ang AstraZeneca sa mga senior citizens na kagaya niya.
“Ang maganda po sa AstraZeneca, siya po ay pwede rin sa mga 60 years old and above,” wika ng 64-anyos na si Duque.
“At ang sagot ko sa katanungan ni spox ay magpapabakuna na rin po ako ng AstraZeneca dahil bilang isang doctor na nagbabakuna din at humaharap sa mga pasyente at nag-iinspect ng mga healthcare facilities, mga hospital, mga temporary treatment and monitoring facilities ay atin pong pinupuntahan sa bawat pagkakataon na kinakailangan tayo bumisita,” dagdag nito.
Kagabi nang dumating na sa bansa ang mahigit 400,000 doses ng AstraZeneca vaccine mula sa COVAX facility ng World Health Organization.
Una nang sinabi ng Department of Health na hindi tuturukan ng bakuna ng Sinovac si Duque dahil sa age restriction sang-ayon sa rekomendasyon ng Food and Drug Administration.