Ikinasama ng loob ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang naging desisyon ng Senate Blue Ribbon Commitee kaugnay sa kanyang pagkakasangkot umano sa kontrobersyal na transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corp. at Procurement Service of the Department of Budget Management (PS-DBM).
Ito ay matapos na ilabas ng Senate Blue Ribbon Committe ang kanilang rekomendasyon na sampahan siya ng kasong plunder, graft, at iba pang criminal and administrative charges kasama ang iba pang dating opisyal ng gobyerno at Pharmally executives kaugnay sa ma-anomalyang multi-billion-peso contracts ng pamahalaan sa nasabing pharmaceutical company.
Sa exlusive interview ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ng kalihim ang naturang pahayag dahil tila wala aniyang pinakinggan ang mga kinauukulan sa lahat ng kanilang ipinaliwanag ukol dito matapos ang kanyang palagiang pagdalo at hindi pagliban sa lahat ng senate hearing.
Paliwanag niya, tanging ang DOH lang kasi ang magbababa ng pondo ayon sa batas at lahat aniya ng mga ito ay kanilang naging batayan sa paglilipat ng pondo sa PS-DBM para sa pagbili ng naturang equipments na siya namang malinaw na inilathala at ipinaliwanag ang mga ito sa Senado.
“Pinaliwanag ko na yan. Yun nga lang, hindi ko alam bakit hindi nila pinakinggan o bakit hindi isinama sa kanilang report ang lahat ng aming paliwanag at lahat ng mga batas na aming naging batayan sa paglilipat ng pondo sa PS-DBM.” ani Duque.
Ayon pa kay Duque, lahat ng kanilang naging hakbang ay documented at kung tutuusin pa aniya ay nakasalig din ito sa mga inilabas na executive order noong panahon nina dating presidente Cory Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo, maging sa General Appropriations Act at Bayanihan Act 1 na nagsasabing ang PS-DBM ang bibili ng mga life saving at protective personal equipments.
“Yun ang nakakasama ng loob dun kasi parang wala silang pinakinggan sa mga sinabi namin. Samantalang malinaw at aming inilathala ang mga batas (mga limang batas yan eh) kung bakit dapat ito ay ilipat sa PS-DBM dahil sa malakihang procurement ng PPE para sa proteksyon at pagsalba ng buhay ng mga doktor, nurses, med tech, lab tech…” dagdag pa niya.
Wala kasi aniyang malaking supplier ng mga ito sa Pilipinas kung kaya’t agad silang humingi ng tulong sa PS-DBM hinggil dito na desisyon naman aniya ng National Task Force at Inter-Agency Task Force matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili ng mga Personal Protective Equipments at testing kits sa lalong madaling panahon.
Samantala, sinabi naman ni Duque na handa siyang harapin ang mga naturang alegasyon at makipag-cooperate sa mga kinuukulan sa oras na makarating na ang mga ito sa Ombudsman at Department of Justice (DOJ) dahil ang lahat aniya ng katotohanan ay nasa kanyang panig.