-- Advertisements --

Tiniyak ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nagagamit sa tama ang mga pondo ng kaniyang ahensiya at ito ay hindi umano kinukurakot.

Kasunod ito sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA) na sa kabuuang P79.7 bilyon na pondo na ibinigay sa DOH ay P68.9 bilyon dito ang nagamit na mula pa noong Disyembre 2020.

Seryoso aniya nilang tinutugunan ang findings ng COA kung saan gumagawa na sila ng hakbang para mapabuti ang kanilang proseso at control.

Inilaan aniya ang pondo na ibinigay sa DOH para sa mga mamamayan na pinambili sa mga test kits, personal protective equipment, bayad sa mga health care workers at mga suweldo ng mga health care workers.

Handa aniya ipakita ng kalihim ang mga dokumento kung saan napunta ang nasabing mga pera.

Base kasi sa 2020 report ng COA na nilabag umano ng DOH ang Government Procurement Reform Act matapos na bigong ipakita ang mga dokumento ng mga nabili sa halagang P5.038 bilyon.

Mula noong magsimula ng COVID-19 pandemic noong 2020 ay maraming mga senador na ang nagkukuwestiyon sa pagbibili ng DOH ng mga overpriced na mga kagamitan para sa pandemic response ng gobyerno.