Wala umanong nakita si Pangulong Rodrigo Duterte na “major lapse” sa panig ni Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa naunsyaming pag-secure sa 10 million doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine na mai-deliver na sa Enero 2021.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, naging emosyunal si Sec. Duque habang idinedepensa ang sarili sa harap ni Pangulong Duterte at mga miyembro ng gabinete sa kanilang meeting kagabi.
Ayon kay Sec. Roque, batay sa naging reaksyon at asta ni Pangulong Duterte kagabi, wala naman itong nakikitang “major lapse” dahil ang pinag-uusapan ay kontrata at hindi naman abugado si Sec. Duque.
Inihayag ni Sec. Roque na wala ring danyos dahil tuloy pa rin ang pagkuha ng Pilipinas sa bakuna ng Pfizer.
Magugunitang ibinulgar kamakailan ni DFA Sec. Teddyboy Locsin Jr. na “somebody dropped the ball” kaya nnaunsyami ang bibilhing Pfizer-BioNTech vaccine.
Nabanggit din nina Sen. Panfilo Lacson at Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na nabigo ang Pilipinas na maagang maka-secure ng bakuna laban sa COVID-19 dahil hindi nakapagsumite si Sec. Duque ng kinakailangang Confidentiality Disclosure Agreement (CDA) sa takdang oras.