MANILA – Nanindigan si Sec. Francisco Duque III na tama ang naging tugon ng Department of Health (DOH) sa sinasabing pumalpak na kasunduan ng Pilipinas at COVID-19 vaccine developer mula Amerika na Pfizer.
“Suffice it to say, what we did was correct… ang ginawa natin dito (was) due diligence,” ani Duque sa Kapihan sa Manila Bay virtual forum.
“We cannot be reckless and just sign documents without legal clearance.”
Binigyang diin ng kalihim na mahalaga ang proseso ng pagsusuri sa confidentiality disclosure agreement (CDA) para malaman kung paano makikinabang ang populasyon sa kasunduan.
Kritikal daw ito dahil bilyong pisong halaga ng pera ang nakasalalay sa pag-aangkat ng bakuna.
“We have learned very costly lessons in the past about certain immunization experiences, and we do not wish that to happen again.”
Una nang sinabi ng DOH na walang supply o shipment na pinag-usapan sa CDA ng pamahalaan at Pfizer.
Pero inamin ni Duque, na isa rin sa dahilan kung bakit na-delay ang proseso ng dokumento, ay dahil wala namang pasilidad ang bansa para sa bakuna ng kompanya.
Ayon sa Pfizer, nangangailangan ng ultra-low-temperature freezers ang storage ng kanilang bakuna.
“I spoke to Sec. (Ramon) Lopez, ‘mayroon bang kapasidad na ganon (ultra low storage facility) ngayon?’ Sabi niya ‘wala pa.’ People are still looking for it.”
“CDA is for them (Pfizer) to share their information, data, vaccine development process and technology platform of their vaccine.”
Nilinaw ng Health secretary na wala silang natanggap na pormal o opisyal na liham mula sa White House tungkol sa sinasabing pangako ni US President Donald Trump na bakunang gawa ng Pfizer.
Taliwas sa sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., na nakumbinse nila si Secretary of State of Mike Pompeo na bigyan ng 10-million dose ng Pfizer vaccines ang Pilipinas.
“Sinabi mismo ni Amb. Babes Romualdez, it is okay that we were not able to get Pfizer vaccines after all, because we were not ready to receive it anyway.”
“It takes a lot of logistical work to do all of this.”
Nakatakdang magbukas ng pagdinig ang Senate Committee on the Whole tungkol sa sinasabing naunsyaming deal ng gobyerno sa bakuna.
Handa naman daw humarap si Duque, pero sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na imbitasyon mula sa mga senador.