Inaasahan na sa susunod na linggo ay mailalabas na ng pamahalaan ang kanilang desisyon hinggil sa proposal na isama ang booster dose sa mga requirement para maituring ang isang indibidwal na fully vaccinated na kontra COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Iginiit ni Health Sec. Francisco Duque III na talaga naman kailangan ang booster dose, subalit sa ngayon ay wala pa nga aniyang polisiyang nagsasabi na kailangan ito para sa maituring na kompleto sa bakuna kontra COVID-19 ang isang indibidwal.
Noong nakaraang linggo ay inirekomenda ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na baguhin na ang kahulugan ng terminong “fully vaccinated” at isama na rito ang mga nakatanggap ng booster shot.
Kaya lang ang proposal na ito ay sinalag naman ng mga eksperto, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Pero umaapela naman si Duque sa mga eksperto na suportahan ang proposal na ito ni Concepcion.