Target umano ni Health Secretary Francisco Duque III na maturukan ng COVID-19 vaccine sa kalagitnaan ng Marso.
“I will try to see mid-March, I’ll have my vaccination,” wika ni Duque sa nangyaring vaccination rollout ceremony sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Gayunman, sinabi ng kalihim na nais niya na mauna munang mabakunahan ang mga health workers, dahil sila aniya ang mas lantad sa panganib na makapitan ng COVID-19.
“Pero kasi ang gusto ko mauna muna yung mga exposed. Although I’m also quite exposed, I’ve been to the hospitals, isolation and quarantine facilities, I talk to people, talk to some patients,” ani Duque.
Una nang sinabi ni Duque na nakatakda raw itong turukan ng bakunang gawa ng AstraZeneca dahil ito raw ang angkop para sa mga senior citizen na kagaya niya.
Bago ito, sinabi ng Department of Health na hindi tuturukan ng bakuna ng Sinovac ang 64-anyos na si Duque.
Inirekomenda ng Food and Drug Administration na tanging mga nasa edad 18 hanggang 59 lamang ang maaring turukan ng CoronaVac.